parang atungal ng elepante di ba tay?
tanong ng aking anak, isang hapong
nakakalumbaba niyang pinanonood
sa bintana ng inuupahan naming kwarto
ang abuhing posteng-usok na iniluluwa
ng isang di-kalayuang pabrika ng plastik.
tanong itong dumamba sa sinapupunan
ng aking utak na agad namang nagluwal
ng panibagong palaisipan: wala na bang
katuparan ang paulit-ulit na mga pangako
ng pag-unlad? edukador ako ng karapatang
pantao at gusto kong damhin sa mga mata
ng aking anak ang liyab ng binibigkas kong
mga talumpati tungkol sa bagong kaayusang
kikilala sa pagkatao ng bawat tao. nais kong
apuhapin sa kanyang kawalang-muwang
ang timyas ng huklubang pangako: daigdig
na malaya sa pangamba at pangangailangan.
samantala, batid kong sa malao’t madali’y
makakasalamuha na rin niya ang pagdarahop
na nasasalag pa ng kayod-makinang trabaho
namin ng kanyang ina, madarama na rin niya
ang mga impit na sigok na nagkukubli sa likod
ng aming mga ngiti, makakadaupang-palad
na rin niya ang dapithapon ng pribelihiyo
ng kanyang kamusmusan at pakikipagpiko
sa mga elepante ng kanyang imahinasyon.
Posted at 5:20:43 pm by emman