wala kaming bigas noon wala ni asin pero hinugasan pa rin ni inang ang kaldero naming malinis naino kong mas madiin ang tila walang direksyong pagkaskas niya ng abo sa paligid nito nakatutulig ang taginting nang nagtatagisang takip at bungangang sinadya yata niyang pag-umpugin mayamaya’y inutusan ako ni inang na humingi ng kapirasong dupungan sa kapitbahay na di niya kakibuan gayong meron naman kaming posporo wala kaming bigas noon wala ni asin pero si inang nagparingas pa rin dati sa isang ihip lamang niya’y naririnig ko na ang hagikhik ng apoy pero noo’y wala akong nasilip ni katiting na baga kahit sinusuob na ng usok ang bawat sulok ng aming kubo (at bakit nga ba sariwang daho’t sanga ng madre cacao ang ipinanggatong niya) saka ko na lamang malalaman na ang gayo’y pansalag sa sagpang ng mas mabagsik pa kaysa gutom na awa ng aming kapitbahay
Posted at 10:27:34 pm by emman
Permalink
Posted at 10:18:12 pm by emman
Permalink
parang atungal ng elepante di ba tay?
tanong ng aking anak, isang hapong
nakakalumbaba niyang pinanonood
sa bintana ng inuupahan naming kwarto
ang abuhing posteng-usok na iniluluwa
ng isang di-kalayuang pabrika ng plastik.
tanong itong dumamba sa sinapupunan
ng aking utak na agad namang nagluwal
ng panibagong palaisipan: wala na bang
katuparan ang paulit-ulit na mga pangako
ng pag-unlad? edukador ako ng karapatang
pantao at gusto kong damhin sa mga mata
ng aking anak ang liyab ng binibigkas kong
mga talumpati tungkol sa bagong kaayusang
kikilala sa pagkatao ng bawat tao. nais kong
apuhapin sa kanyang kawalang-muwang
ang timyas ng huklubang pangako: daigdig
na malaya sa pangamba at pangangailangan.
samantala, batid kong sa malao’t madali’y
makakasalamuha na rin niya ang pagdarahop
na nasasalag pa ng kayod-makinang trabaho
namin ng kanyang ina, madarama na rin niya
ang mga impit na sigok na nagkukubli sa likod
ng aming mga ngiti, makakadaupang-palad
na rin niya ang dapithapon ng pribelihiyo
ng kanyang kamusmusan at pakikipagpiko
sa mga elepante ng kanyang imahinasyon.
Posted at 5:20:43 pm by emman
Permalink
ang nakaraangpatuloy na nagpapatuloy
ang nakaraangpatuloy na nagpapatuloyunang bigwas: sarili
Nagsimula tayo sa ating mga sarili. Naglaan ng isang tiyak na panahon at lugar para sa malayang pagdaloy ng tinig na madalas nating isantabi. Binuhay o pinalakas ang reception capacity ng ating mga senses. Gumawa tayo ng mga exercises na idinisenyo para paganahin ang ating pang-amoy, panlasa, pandama, pandinig at inoryent natin ang paningin sa kahalagahan ng sariwang pagtingin sa mga kapaligiran Layunin nito na balansehin ang pagdomina ng rason/ isip sa ating sarili at paalagwain ang ating imahinasyon.
“What I love in you, dear imagination, is that you do not forgive.” sabi ni André Breton, tatay raw ng surrealism. At pinalaya nga natin ang ating imahinasyon
Kipkip nating parang Bibliya ang kautusang “show don’t tell,” kautusang napakahirap sundin, kautusang mas madalas kaysa hindi ay nilalabag natin. Gayonman, alam nating nagdaraan sa proseso ang lahat at napatunayan nating it’s really more difficult to unlearn than to learn. Sige lang, kayod pa rin – habi pa rin ng salita, ng imahen at tunog.
Habi pa rin ng salita – isinasapuso ang silbi ng paghubog ng bago at pinatinding karanasan (heightened experience) sa pamamagitan ng mga sariwang metapora at anggulo ng pagtingin sa mga bagay at karanasan. Gabay natin dito ang mga sumusunod (pero hindi absolute na batas):
- maging kongkreto – iwasan ang mga abstraktong salita gaya ng pang-uri, pang-abay at abstraktong pangngalan. hangga’t kaya palitan ng pandiwa at kongkretong pangalan ang mga ito. Kung kapos ang pandiwa at kongkretong panggalan, gumamit ng metaphor at iba pang tayutay. Halimbawa, mas nasasagap ng ating senses ang bato, kulangot, garapata kaysa sa mga salitang matigas, malagkit, at makulit. Pansinin ang pagkakaiba: (a) makulit ang mga estudyante (b) para silang garapata.
- maging specific – iwasan ang mga general statement. Tingnan halimbawa: sasakyan, kotse, volks; hayop, ibon, agila; tanim, gulay, ampalaya. Nagiging mas malinaw at tiyak habang nagiging specific.
- iwasang maging madaldal – kung masasabi sa isang salita, huwag sabihin sa dalawa o sa tatlo. Halimbawa sa halip na sabihing limampung piso ang isang kilong timbang ng isdang galungggong sabihin na limampung piso ang isang kilo ng galunggong; sa nangilid ang luha sa kanyang mata, oks na ang nangilid ang luha puwera lang kung may kung anong epek kang gustong palitawin. Kapag sa ilong nangilid ang luha, kailangang banggitin talaga ang ilong dahil kaiba ito.
- huwag magsermon – bahagi pa rin ito ng “show don’t tell.”. Mas suwabe ang dating, halimbawa, kung ilalarawan ang isang sitwasyon kaysa sabihing balot ng pagkakasala ang tribong iyon. Iwasan ding sumigaw ng propaganda gaya ng “walang ibang daan ng kaginhawahan kundi ang magkapitbisig at patalsikin sa poder ang mapang-aping uri!!!!!!” J He he he “papa don’t preach”.
- sikaping magkaroon ng kaisahan ang mga metaphor na ginagamit sa isang tula – mauuntol ang pagbasa kung sa gitna ng karagatan, ng mga alon ay biglang may sisingit na pakong kalawangin. Pero hindi laging ganito, magbasa na lang ng mga tula ni Neruda para makita kung paano epektibong pinagsasama-sama ang magkakasalungat na metaphor.
sukat at tugma
Sumubok na rin tayo sa ilang tradisyunal na porma ng tulang katutubo. Sumulat tayo ng tanaga, diona, dalit. Sumali pa nga ang iba sa atin sa kontes sa pagsulat ng mga nabanggit. Walang nanalo pero natuto.
Sumawsaw rin tayo sa dayuhang porma, villanelle. Sa pamamagitan ng mga ito, dinama natin ang musika ng tula, partikular ang indayog ng regular na ritmo nito, parang alon – klok, klok, klok, swashhh, klok, klok, klok, swashhh, klok, klok, klok, swashhh. PERO,
andaming experyensya na hindi puwedeng ikulong sa kinagisnang karanasan. At sumabak tayo sa malayang taludturan. Marami sa atin ang mas komportable sa ganitong pagtula – malaya, makilos, kayang i-akomodeyt ang samut-saring experyensya lalo na sa lungsod. Anghirap nga namang ilagay sa regular na ritmo at pantig ang sumulasok na alingasaw ng imburnal o tambutso ng jip.
Sa dalawang porma, nasa indibidwal na makata na ang pagpili kung alin ang para sa kanya ay epektibong makapagpapahayag ng kanyang saloobin.
abangan ang pagsusuri ng mga piling tula ng LAYB at ang ikalawang bigwas: lipunan
Posted at 4:21:27 pm by emman
Permalink